20100510

My First Erection


"A couple of hours from now, history will repeat itself."
- Angel Recto, May 09, 2010 11:25pm

So habang nag-aabang sa pinadeliver na Pizza (3:30 daw dadating, 1 hour pa), tinitignan ko ang indelible ink na nakadikit sa kuko ng kanang hintuturo ko. Sa unang pagkakataon, nadampian ako ng indelible ink - patunay na botante na nga ako, na nakaboto na nga ako, na totoong bahagi na ako ng gulo. Nung elementary at high school, nalalagyan na din ng ink ang kuko ko kapag nagakakaroon ng student council election, pero ibang-iba ang indelible ink ko ngayon sa kanang hintuturo kumpara sa blue Pentel Pen ink noong mga panahong iyon.


********** ********** **********

Dati e bantay lang ako sa bahay kapag bumuboto sila nanay, tatay at kuya. Ngayon si Apol na ang bantay dahil botante na din ako. 7am kami umalis ng bahay, around 7:30 kami nakarating sa school. Lakad lang. Siyempre, ngayon ko lang nasaksihan ang ganoong eksena sa labas ng eskwelahan kung saan marami ang namumudmod ng mga "sample ballots". Madaming nag-aabot pero hindi ako kumukuha. Kabaligtaran naman ni nanay, kuha siya nang kuha. Para bang may pa-contest ang Eat Bulaga bukas para sa makapagdadala ng pinakamaraming sample ballots. :p

Madami-dami nang tao nung dumating kami. Sa 3rd floor ng isang gusali kami naka-assign. Derestso akyat, hinanap sa tamang listahan ang pangalan para malaman ang precint#, kumuha ng queue number, at tumambay muna sa isang bakanteng classroom habang nag-aabang na tawagin ang numero. Anyway, it's just another story of while-we-wait-on-this-long-boring-pointless-queue-we-talked-first-on-political-issues-and-other-gossips, kaya jump na tayo.

Bumibilis na ang pila nang biglang bumagal uli. Nasa bukana na na kami nung kwartong pagbobotohan nung napurnada pa. Yun pala, nagkaroon ng singitan sa pila namin. Pinasingit kasi ang mga senior citizens. Hindi ko alam kung kaninong desisyon, basta alam ko MALI ang desisyon nila. Kesyo senior citizen daw, o buntis , o ganun, o ganyan. Hindi sa wala akong galang, pero base sa karanasan, ang kakapiranggot na mga KONSIDERASYON ang nagpapagulo sa isang maayos na pila.

Sabi nga ni kuya, isang problema ng Pilipinas e masyado tayong MAAWAIN. Kaya nga naglagay ng pila e para umayos. Pero kung magpapasingit ka pa din, no matter what the reason is, what's the freakin' use of falling in line??? Magkaroon lang ng isang matandang nagmakaawa, sige pauunahin. Asahan mong may kabuntot yun na dalawang matanda pa. Sige pagbigyan na. Malalaman ngayon ng isang matanda sa 'di kalayuan, makiki-jive na din sa partee. Tuloy-tuloy, tuloy-tuloy. Ang kaninang maayos na pila, nakalimutan na. Kasi naging pila na ng mga senior citizens. E kahit abutin ng ala-sais ng gabi e hindi yata mauubos ang mga senior citizens e. The point there is, simple lang naman ang rule ng pagpila. Konting delay lang ang kelangan para guhuin mo ito. I hate to say this pero sa pila ng mga senior citizens na 'yun kanina, nakita kong nakakatandaan na lang talaga natin ang mga bagay-bagay na kumokontra sa kaunlaran ng bansa. 'Pag matanda na ako, sisingit din kaya ako? Maawa na kayo sa matanda o...

After a series of palitang-sigaw at banggerahang-laway ng mga senior citizens at commoners, na nakangiti lang naming pinapanood ni kuya, nakapasok din ako sa kwarto, wherein naghintay pa din kami ng mga 30 minutes bago mabigyan ng talagang balota. Medyo nagkatagalan kasi sa verification dahil limang presinto ang hinahawakan ng mga BEI, na nanggagaling sa iisang pila namin. Idagdag pa ang mga makukulit na mamamayan na bukambibig ang "bakit wala ako? pakihanap ako...andiyan lang yan!" at "kanina pa ako dito! ALAS-SAIS!". Well in fact, katarantaduhan na alas-sais pa siya nasa pila gayung 7am lang naman nagsimula ang proseso. :p

(wait...dumating na pizza. 3:10 pa lang. dat's gud!)


********** ********** **********

On TV:

Reporter: Ano-ano po ba ang mga sanhi ng pagbagal ng pila at pagkakaantala ng proseso ng botohan?
BEI Officer: Minsan yung mga sumisingit, tapos may mga makukulit na nagrereklamo. May naghahanap ng mga presinto. Tapos kasama na din diyan yung mga istorbo, tulad ng pag-iinterview sa amin ng mga media. Kaya 'yung mga tao naiipon sa pila.


(kain lang ako... =p~)


********** ********** **********

(ok game. two slices of pizza, busog na!)


On TV:

Reporter: Ano ang pakiramdam mo at nakatapos ka nang bumoto?
Celebrity: Masaya din, kasi alam mo, this is my first time to vote this year.
Tatay ko: Natural! Ito lang naman ang eleksiyon ngayong taon e! Ako nga first time ko din makaboto this year e.


********** ********** **********

Anyway, mananalo kaya ang binoto ko? Dati tumatakbo sa isip ko yun e - kung mananalo kaya ang iboboto ko. Lately, narealize ko na hindi pala ganun yun. Bakit kelangan nating pairalin sa isip kung sino ang "panalo" o "talo". Kompetisyon na ba ang paglilingkod ngayon?

Hindi naman na issue sa akin kung hindi manalo ang binoto ko. Kesyo may dayaan, o wala, i don't give a great ball of fire. Bumoto ako kasi may TIWALA ako sa napili kong botante. Bagsak man siya sa rating o wala siyang advertisement o hindi siya sikat, binoto ko siya dahil alam kong may MAGAGAWA para siya sa ikabubuti ng bansa. Ganun kasimple. At hindi ba ganun naman talaga dapat ang pamantayan sa paghalal ng kandidato? Yung KINILATIS mo at may NAPIGA ka sa kandidato? Hindi naman kailangang makipagpatayan o makipagpabonggahan ng ads e. O magpaawaan kaya o gumamit pa ng mga kamag-anakan. Hindi mo kailangan madala sa mga pakulo nila. Kelangan mo lang basahin ang iniisip nila at pakinggang ang pinagsasatsat nila. Hindi kelangang tumanggap ng pera, hindi kelangan magpapaniwala sa survey.

Isang dapat maintindihan ng isang botanteng Pilipino e kung ano ang katuturan ng pagboto nila bilang isang karapatan. Sabi ko dati, hindi naman mananalo si Kandidato A o kaya si Kandidato B. Pwes, iboboto ko na lang e itong si Kandidato C kasi siya lang ang alam kong makakatalo kay Kandidato D. Pero napag-isip kong maling kaisipan pala ang ganun. Ang mangyayari pala e para akong gagong boboto kay Kanidato C na hindi ko naman siya kilala! Para akong puppet noon. Kung hindi nga manalo si Kanidato D, ibig bang sabihin solve na ang problema? Kaya bumalik ako sa pagkikilatis kila Kandidato A at B, at sa kanila ako namili, dahil ayokong mawalan nang saysay ang karapatan kong minsan sa tatlo o anim na taon ko lang magagamit.


Ang hindi pagkapanalo ng binoto mo e hindi nangangahulugang sayang ang boto mo, dahil ang ELEKSYON ay hindi naman LOTTO. Afterall, it's not really on the winning of a candidate, but on HOW did you use your right to suffrage in aiming for the best for this country. Manindigan nawa tayo, at hindi pawang nakigaya sa survey lang.


********** ********** **********

Nung hawak ko na ang mahabang balota, direkta agad ang pagsagot. Pangulo, ikalawang pangulo, initiman ang bilog na hugis itlog na nakatapat sa pitong senador na napupusuan. Nang makita ko ang mahabang listahan ng Party Lists, nilaktawan ko ito at binaligtad agad ang papel para sa local officials. Pinili si mayor, si vice, si congressman, at mga councilors. Binalikan ang mga senador, baka may mapiga pa para makumpleto ang labindalawa, pero isa lang ang nadagdag. Walong senador lang ang binoto ko. Deretso sa PCOS, isinalang ang balota. Kaboom! Successful! 148th vote casted ako. From 7:30am, 10:15am na ako natapos. At sa PCOS machine na 'yun, 148th pa lang ako. Ang tinding hassle no?

At bakit walo lang ang senador ko? Dahil hindi baleng kulangin kesa sumobra, else mavo-void ang senatorial votes ko. Ayoko namang iboto ang mga hindi ko kilala at sa tingin ko e gaganti lang sa gobyerno.

E bakit wala akong binotong party list? Kasi hindi ko alam ang layunin nila, as a whole. Alam ko lang namumuno sila sa mga rally. E kesa iboto ko yung GAHASA ni Romeo Jalosjos?! GAHASA ba yun o KAKUSA? Ano nga ba?

Bumoto ba ako ng artista? Oo. Walang masama dun. Kitang kita naman kung sino sa mga artistang gustong makatulong talaga, at 'yung mga pumasok lang sa pulitika dahil wala na sila pera at mga projects sa showbis.

Ano ang feeling sa unang pagboto? Ganun pa din. Hindi masasabi ang pakiramdam unless lumalabas na ang mga resulta. Yung bagal ng proseso, kahit automated pa ang eleksiyon, anticipated ko na yun. Alam kong mapapabilis nito ang counting, pero sigurado naman akong hindi nila pinaghandaan ang KABUUANG proseso lalong-lalo na kung paano ia-accommodate ang mga botante. Come on, COMELEC! Less than a year to prepare? After ng vote counting, hindi na uli busy ang COMELEC. Busy lang uli sila after 3 years, for another set of preparation for the Senatorial and Local Official's Elections. Pero sa tatlong taong dadaan habang wala pang eleksiyon, ano ang gagawin ng COMELEC? Ano pa ba edi magpapatubo ng balbas si Jimenez.

Pagkatapos bumoto... saan ako nagpunta? Deretso muna ng 711, at bumili ng C2 Green for 10 pesos. Kaso hindi ako nakapag-shopping kasi isang C2 lang pala ang counted for 10 pesos. The rest, 23 na uli. Iniisip ko nga kung pupuntahan ko yung kabilang branch eh...jejeje.


********** ********** **********

Ubos na ang pizza, pero aabutin pa siguro ng ilang linggo o isang buwan bago tuluyang maalis ang indelible ink ko sa kuko ng kanang hintuturo. Bahagi na ako ng gulo, at dapat magsimula na akong magmasid at makialam.

5:11 nang hapon. 49 minutes to go and the election proper ends. Balita ko extended daw nang 1 hour. Pero ganun pa man, alam kong madami pa din ang hindi makakaboto dahil sa pinabilis na bilangan pero hindi naman pinabilis na proseso. Maraming aberya, at maraming magrereklamo. Ngayon lang sa Facebook tadtad na ng batikos ang COMELEC.

Philippine's first automated elections: saksi tayo sa pangyayaring isusulat sa libro na pang-Sibika na gagamitin ng mga grade 6 students 5 years from now.


********** ********** **********

"Firipinos very tired on their very first automatic ERECTION!" - sabi ng isang Japanese enthusiast na sumaksi sa ating unang automated election. =)



--peso--

20100130

free taste


nagsiksikan kaming magkakapatid sa dalawang upuan. pinagdikit ang dalawang monobloc - nakaupong nakalutang ang kaliwang pigi ni kuya sa kaliwang monobloc, nakaupong nakalutang ang kanang pigi ko sa kanang monobloc. si polokya, nasa gitna namin. may pangatlo pang monobloc sa lugar na yun, pero may manang na nakauna nang umupo dito bago pa kami dumating. umiinom kami ni polokya ng Fruitas ni Sitti.

limang hakbang mula sa tinatambayan namin, may booth ng Barrio Fiesta. nasa likod nito ang isang lalaking naka-apron ng restong pinagtatrabahuhan niya. wala siyang kasama sa booth. walang kumakausap. solo ang lugar. may inihahanda siyang mga kagamitan. headset at lapel na lang ang kulang at aakalain mong may idedemo siyang magic ruler. daanan at lagpasan siya ng mga taong bagong sweldo.

nasa harap niya ang isang kawaling umuusok, at mga maliliit na plastic cups na pang-lalagyan ng gravy na pwede ding pang-lalagyan ng laboratory specimen. tubig pala ang laman ng kawali at mukhang kumukulo na. maya-maya pa, inalsan niya ng takip ang kawali. yumuko siya na parang may kinuha sa ibaba. pagtayo, may hawak na siyang isang buong balot ng pansit na mukhang kanton. isang kilo siguro yun. binuksan niya ito at ibinuhos ang matitigas na hibla ng mami sa umuusok na kawali. halo, halukay, halo. timpla, halo, halukay, halo.

ilang minuto pa, ibinuhos sa isang sisidlang mukhang tupperware ang pansit na bagong luto. at pinarte-parte niya ang pagkaing pampahaba ng buhay, naglagay ng tiga-tigalawang tinidor sa mga nakahuyag na plastic cup for specimens. sa oras na yun, may lumapit na ale. tinignan ang paglalagay ni kuya ng pansit sa mga specimen cups. maya-maya pa, may hawak na si ale na isang cup ng pansit, at maliit na tinidor. at nguya, at nguya. nakatambay pa din siya sa booth.

sige ang lagay ni kuya sa mga plastic specimen cups. may lumapit namang isang grupo, mukhang magkakamag-anak. hala kuha. kain. sige ang lagay ng pansit sa specimen cups. at may lumapit uli, kumuha ng pansit. at sige ang lagay ng pansit. at may kumuha ng pansit. parang mabilisang water cycle ang scenario.

hanggang sa dinumog na si kuya. hindi na siya daan-daanan at lagpas-lagpasan lang. hinihintuan na siya. at nagkainan ang mga tao. si manang na katabi ko, tumayo. nagpunta din kay kuya. kumuha ng pansit ni kuya. kaya tumayo na din ako, at umupo sa nilisang upuan ni manang. nakaupo na kaming tatlo sa tig-iisang upuan. sa mga oras na yun, hindi na namin nakikita si kuya kusinero. mga taong nguya nang nguya at higop nang higop at salok nang salok ang humaharang sa kanya.

lumipas ang limang minuto pa. nag-alisan na ang mga tao. lumayo na sa booth, ubos na pala ang pansit. nakuha na lahat. may mga dumaan pa, pero umalis din agad. bigo dahil di sila umabot sa libreng laman tiyan. mag-isa sa booth si kuya, suot ang apron ng restong pinagtatrabahuhan, na nilinis ang kawaling pinaglutuan niya ng pansit na ipinakain sa mahigit dalawampung tao.

balik sa katahimikan ang buhay. daanan at lagpasan na uli ang booth. walang kausap si kuya, walang karamay sa ginagawa. napatingin siya sa amin. ngumiti ako. ibinalik niya ang ngiti. "tapos na ang palabas, salamat sa cheering," sabi ng mga mata niya sa tatlong manonood na sumubaybay.

daanan at lagpasan siyang muli ng mga taong bagong sweldo.



--peso--

20100115

no more thousand things to buy before i die


kailangang kumbinsihin ko ang sarili na maganda at masagana ang bagong pasok na taon.


at bilang patunay, narito ang mga retratong para sa akin e katumbas na ng "1001 Things You Must Buy Before You Die":


********** ********** **********

















********** ********** **********




--peso--

20091213

dahil kila lolo

"so, final na ha... Friederich George Phillippe na ang ipapangalan natin."

"honey naman e... hindi mo man lang pinapakinggan ang mga suggestions ko."

"ang alin? yung Miguel Armando o yung Johnny Armand? naku naman, ilang beses ko bang ipapaliwanag sa'yong ayokong magtunog telenovela o comedian ang pangalan ng anak natin!"

"e kesa naman sa Fried Rich na yun...hirap ispelengin. pahihirapan lang natin yung bata na ipasulat ang pangalan niya pag nag-aaral na siya. tsaka ok naman yung Paul Armand ah!"

"ang sabihin mo, ayaw mo lang gamitin ang George!"


may isang buwan na din yatang pinagtatalunan ng mag-asawa ang ipapangalan sa panganay na anak. at maski sa araw ng binyag, halos pinagtitinginan na sila ng mga taong dumalo sa binyag ng anak ng kabilang pamilya dahil sa hindi na matigil na debate sa kung ano ang ipapangalan sa bata. walang kamalay-malay ang batang wala pang kamuwang-muwang na nagsisimula na pala ang kanyang pagdurusa dahil lang sa mumunting 'di pagbibigayan ng kahit simpleng pangalan.


"pero ikaw din naman di ba...ayaw mong gamitin natin sa kanya ang Armando?"

"e sabi naman sa'yo sa susunod na lang natin gamitin yun. napag-usapan na natin 'to di ba?"

"sa susunod...e sa susunod mga puro babae na! atsaka kelan ako pumayag? aber!"

"a sa lagay pala di mo pa din naiintindihan ang sitwasyon sa pamilya namin! o kailangan ko pa bang ipaliwanag na naman? ha?! na ang bawat unang anak na lalaki e kelangang magdala ng pangalan ng kanyang lolo! pansinin mo nga 'yung mga anak ng mga kapatid ko... George Michael, King George..."

"...at ano pa? Georgetown?! naiintindihan ko naman yun e. ang gusto ko lang maintindihan mo, ang anak natin ang unang apo ni daddy, kaya gusto ko sana ipangalan sa kanya ang magiging anak ko. kahit yun na lang, 'di mo pa ba ako mapagbibigyan?"

"hmp! bahala ka diyan... Friedriech George Phillippe... 'di ba anak? gusto mo 'yun 'di ba?"


tulog na tulog sa bisig ng ina ang anghel, o kung gising man, paano niya sasagutin ang tanong ng ina? masarap ang buhay ng sanggol. wala pang pakialam, hanggang sa lumaki na lamang siya at malaman na lang ang kasaysayan ng lahat.

sa kalagitnaan ng debate ng mag-asawa, na sinaksihan ng mga ninong at ninang, nagsasalita na pala ang pari sa kalagitnaan ng paggagawad ng sakramento at ito ay papalapit na sa bibinyagang may pangalang hanggang ngayon ay di pa tiyak kung ano. at ito ay nasa harap na nila, kasama ang sakristang may tangang pitsel ng tubig, plangganita, at bimpo.

"ano po ang pangalan ng bata?"

"Friederich George Phillippe po father."

"Friedri..."

"Paul Armand po father. Paul Armand."

"George Phillippe po. 'Wag po kayong makinig sa kanya. GEORGE Phillippe."

"ARMAND po. AR-MAND. Paul Armand."

"George!"

"Armand!"

"George!"

"Armand!"

"Osha, osha," putol ni father. "Ako na ang bahala..."


"Giorgio Armani, binibinyagan kita sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espirito Santo..."




at dahil kila lolo, nagsimula ang fashion.



--peso--

20091018

ang hiwaga ng binintiang asul na bimpo


ginabi na ako sa paglalaba. nagsimula ako ng alas-dos nang hapon. dati naman umaga pa lang naglalaba ako para matapos ako ng after lunch. pero ngayon, dahil nagbasketball at nagbadminton pa kami ni mimitaba nung umagang 'yon, hapon ko na naumpisahan ang routine ng tig-dadalawang paikot sa washing wachine at puspusang pagbabanlaw sa mga pinagsama-samang damit naming mag-aama (15 puting damit, 10 de-kulay na pantaas, 7 de-kulay na pang-ibaba, 6 panyo, 6 bimpo, 2 pantalon, 16 briefs, at 7 pares ng medyas).

gawing 6:45 nang gabi (o hapon para sa mga kapitbahay naming nagsisimula pa lang magparty sa kalye), umupo ako sa bangkito para simulang banlawan ang last batch ng mga damit (shorts & pants). katatapos ko lang noon isampay ang mga de-kulay na damit pang-itaas, panyo at bimpo.

nang kinukusot ko na ang ikatlong damit, may naramdaman akong kumiskis sa kanang paa ko! tinignan ko ito. dahil sa madilim na ang paligid, inaninag kong mabuti kung ano 'yung nasa paanan ko...only to realize...PALAKA! itim na palakang mga kasinlaki ng maliit na keso de bola! >.<

dagli akong napatayo sa kinauupuan ko...sabay pasok sa bahay. tinawag ko si apol...

"'pol halika."
"tsk! bakit? may ginagawa ako e."
"may papakita lang ako..."
"tsk...ano? ano nga?!"
"halika...andito e."

paglabas namin ng bahay, itinuro ko kung ano sa tingin niya ang nandoon sa may bangkito. pinuntahan namin 'to, at nandoon pa ang palaka! palaka din ang una niyang sinabi na patanong pa ang pagkakabanggit dahil hindi siguro siya sigurado.

"o medyas?"
"imposibleng medyas...sinampay ko na yung pitong pares kanina e. kumpleto yun."
"e baka palaka nga. teka kuha akong flashlight"

pagbalik niya, may dalang flashlight.

"baka palaka nga...madilim e."
"langyang flashlight yan."
"paubos na battery e."

saka kami nagtawanan.

"buhusan mo nga ng tubig...para malaman natin kung aalis."
"e ayoko."

pero binuhusan din niya. hindi umalis ang "palaka".

"medyas yan!"

nagtatawa kaming pumasok sa loob. sabi ko parang ayoko nang ituloy yung binabanlawan ko. kaya nga daw hindi siya naglalaba 'pag gabi.

narinig ni nanay ang usapan. sabi ko, pakitignan na din niya kung palaka ba o hindi yung nakita namin (may duda pa din ako!). pagdako namin sa labas, binuhusan niya ng tubig ang nilalang na naandun pa din. hindi pa nakuntento, inapakan!

"sus naman! e bimpo 'to e!"

asul na bimpo 'yun ni kuya. hindi ko namalayang nahulog pala mula sa timba nung batch nung mga damit na kasasampay ko lang, kaya hindi ko naisampay! natawa na lang ako. narinig ko din si apol sa loob ng bahay na nagtatawa. e paano naman 'di mapagkakamalang palaka, e 'yung pagkakabalumbon niya e gumawa ng hugis na animo'y totoong binti ng palaka! >.<

"ang laki-laki mo...palaka lang!"
"e ang laki din nung palaka e."
"kung palaka yun, edi tumakbo na yun pagtayo mo."
"e wala e...ako 'yung tumakbo!"

sabay tatawa-tawa akong kakamot-kamot sa ulo, lilinga-linga sa paligid habang tinatapos ang mga banlawin dahil baka may totoo nang kumokokak sa paligid nung gabing 'yon.



moral lessons:

1) ugaliing sa umaga simulan ang paglalaba para 'di maging katawa-tawa 'pagdating ng gabi.
2) marami ang namamatay sa maling palaka.
3) ang optein ay lutein, tumutulong sa pagpapalinaw ng mata.




--peso--

20090914

diez y nueve

gaano kadelikado ang frustration?
gaano kadelikado ang depression?
gaano kadelikado ang takot?
gaano kadelikado ang kagustuhang mag-isa?
gaano kadelikado ang pagkukunwari?
gaano kadelikado ang pagpipilit?
gaano kadelikado ang pagsasawa?
gaano kadelikado ang kawalan ng interes?
gaano kadelikado ang kawalan ng ibang magagawa?
gaano kadelikado ang pag-aakalang pag-iisa?
gaano kadelikado ang pag-ayaw sa walang kasiguraduhan?
gaano kadelikado ang pagod?
gaano kadelikado ang pag-iingat?
gaano kadelikado ang pag-iwas?
gaano kadelikado ang hindi pagsuko?
gaano kadelikado ang pagpigil sa luha?
gaano kadelikado ang pagkimkim sa nararamdaman?
gaano kadelikado ang pagtalikod sa taong namamahagi ng solusyon?
gaano kadelikado ang paniniwala sa sariling wala naman talagang pinagtitiwalaan?
gaano kadelikado ang tao?
gaano kadelikado ang mga kaibigan?
gaano kadelikado ang katotohanan?
gaano kadelikado ang kaalaman?
gaano kadelikado ang di pagkaunawa?
gaano kadelikado ang pagkakaintindi sa mga bagay-bagay?
gaano kadelikado ang hindi pag-amin?
gaano kadelikado ang malakas na kahinaan?
gaano kadelikado ang hinaharap?
gaano kadelikado kamanhidan?
gaano kadelikado ang pagkainip?
gaano kadelikado ang lahat?
gaano kadelikado ang pangarap...at takot na baka hindi ito matupad?


kumbinsihin niyo akong hindi pa huli ang lahat.
kumbinsihin niyo akong hindi ang pagtalon sa riles ng MRT ang solusyon.