20091213

dahil kila lolo

"so, final na ha... Friederich George Phillippe na ang ipapangalan natin."

"honey naman e... hindi mo man lang pinapakinggan ang mga suggestions ko."

"ang alin? yung Miguel Armando o yung Johnny Armand? naku naman, ilang beses ko bang ipapaliwanag sa'yong ayokong magtunog telenovela o comedian ang pangalan ng anak natin!"

"e kesa naman sa Fried Rich na yun...hirap ispelengin. pahihirapan lang natin yung bata na ipasulat ang pangalan niya pag nag-aaral na siya. tsaka ok naman yung Paul Armand ah!"

"ang sabihin mo, ayaw mo lang gamitin ang George!"


may isang buwan na din yatang pinagtatalunan ng mag-asawa ang ipapangalan sa panganay na anak. at maski sa araw ng binyag, halos pinagtitinginan na sila ng mga taong dumalo sa binyag ng anak ng kabilang pamilya dahil sa hindi na matigil na debate sa kung ano ang ipapangalan sa bata. walang kamalay-malay ang batang wala pang kamuwang-muwang na nagsisimula na pala ang kanyang pagdurusa dahil lang sa mumunting 'di pagbibigayan ng kahit simpleng pangalan.


"pero ikaw din naman di ba...ayaw mong gamitin natin sa kanya ang Armando?"

"e sabi naman sa'yo sa susunod na lang natin gamitin yun. napag-usapan na natin 'to di ba?"

"sa susunod...e sa susunod mga puro babae na! atsaka kelan ako pumayag? aber!"

"a sa lagay pala di mo pa din naiintindihan ang sitwasyon sa pamilya namin! o kailangan ko pa bang ipaliwanag na naman? ha?! na ang bawat unang anak na lalaki e kelangang magdala ng pangalan ng kanyang lolo! pansinin mo nga 'yung mga anak ng mga kapatid ko... George Michael, King George..."

"...at ano pa? Georgetown?! naiintindihan ko naman yun e. ang gusto ko lang maintindihan mo, ang anak natin ang unang apo ni daddy, kaya gusto ko sana ipangalan sa kanya ang magiging anak ko. kahit yun na lang, 'di mo pa ba ako mapagbibigyan?"

"hmp! bahala ka diyan... Friedriech George Phillippe... 'di ba anak? gusto mo 'yun 'di ba?"


tulog na tulog sa bisig ng ina ang anghel, o kung gising man, paano niya sasagutin ang tanong ng ina? masarap ang buhay ng sanggol. wala pang pakialam, hanggang sa lumaki na lamang siya at malaman na lang ang kasaysayan ng lahat.

sa kalagitnaan ng debate ng mag-asawa, na sinaksihan ng mga ninong at ninang, nagsasalita na pala ang pari sa kalagitnaan ng paggagawad ng sakramento at ito ay papalapit na sa bibinyagang may pangalang hanggang ngayon ay di pa tiyak kung ano. at ito ay nasa harap na nila, kasama ang sakristang may tangang pitsel ng tubig, plangganita, at bimpo.

"ano po ang pangalan ng bata?"

"Friederich George Phillippe po father."

"Friedri..."

"Paul Armand po father. Paul Armand."

"George Phillippe po. 'Wag po kayong makinig sa kanya. GEORGE Phillippe."

"ARMAND po. AR-MAND. Paul Armand."

"George!"

"Armand!"

"George!"

"Armand!"

"Osha, osha," putol ni father. "Ako na ang bahala..."


"Giorgio Armani, binibinyagan kita sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espirito Santo..."




at dahil kila lolo, nagsimula ang fashion.



--peso--