20100130
free taste
nagsiksikan kaming magkakapatid sa dalawang upuan. pinagdikit ang dalawang monobloc - nakaupong nakalutang ang kaliwang pigi ni kuya sa kaliwang monobloc, nakaupong nakalutang ang kanang pigi ko sa kanang monobloc. si polokya, nasa gitna namin. may pangatlo pang monobloc sa lugar na yun, pero may manang na nakauna nang umupo dito bago pa kami dumating. umiinom kami ni polokya ng Fruitas ni Sitti.
limang hakbang mula sa tinatambayan namin, may booth ng Barrio Fiesta. nasa likod nito ang isang lalaking naka-apron ng restong pinagtatrabahuhan niya. wala siyang kasama sa booth. walang kumakausap. solo ang lugar. may inihahanda siyang mga kagamitan. headset at lapel na lang ang kulang at aakalain mong may idedemo siyang magic ruler. daanan at lagpasan siya ng mga taong bagong sweldo.
nasa harap niya ang isang kawaling umuusok, at mga maliliit na plastic cups na pang-lalagyan ng gravy na pwede ding pang-lalagyan ng laboratory specimen. tubig pala ang laman ng kawali at mukhang kumukulo na. maya-maya pa, inalsan niya ng takip ang kawali. yumuko siya na parang may kinuha sa ibaba. pagtayo, may hawak na siyang isang buong balot ng pansit na mukhang kanton. isang kilo siguro yun. binuksan niya ito at ibinuhos ang matitigas na hibla ng mami sa umuusok na kawali. halo, halukay, halo. timpla, halo, halukay, halo.
ilang minuto pa, ibinuhos sa isang sisidlang mukhang tupperware ang pansit na bagong luto. at pinarte-parte niya ang pagkaing pampahaba ng buhay, naglagay ng tiga-tigalawang tinidor sa mga nakahuyag na plastic cup for specimens. sa oras na yun, may lumapit na ale. tinignan ang paglalagay ni kuya ng pansit sa mga specimen cups. maya-maya pa, may hawak na si ale na isang cup ng pansit, at maliit na tinidor. at nguya, at nguya. nakatambay pa din siya sa booth.
sige ang lagay ni kuya sa mga plastic specimen cups. may lumapit namang isang grupo, mukhang magkakamag-anak. hala kuha. kain. sige ang lagay ng pansit sa specimen cups. at may lumapit uli, kumuha ng pansit. at sige ang lagay ng pansit. at may kumuha ng pansit. parang mabilisang water cycle ang scenario.
hanggang sa dinumog na si kuya. hindi na siya daan-daanan at lagpas-lagpasan lang. hinihintuan na siya. at nagkainan ang mga tao. si manang na katabi ko, tumayo. nagpunta din kay kuya. kumuha ng pansit ni kuya. kaya tumayo na din ako, at umupo sa nilisang upuan ni manang. nakaupo na kaming tatlo sa tig-iisang upuan. sa mga oras na yun, hindi na namin nakikita si kuya kusinero. mga taong nguya nang nguya at higop nang higop at salok nang salok ang humaharang sa kanya.
lumipas ang limang minuto pa. nag-alisan na ang mga tao. lumayo na sa booth, ubos na pala ang pansit. nakuha na lahat. may mga dumaan pa, pero umalis din agad. bigo dahil di sila umabot sa libreng laman tiyan. mag-isa sa booth si kuya, suot ang apron ng restong pinagtatrabahuhan, na nilinis ang kawaling pinaglutuan niya ng pansit na ipinakain sa mahigit dalawampung tao.
balik sa katahimikan ang buhay. daanan at lagpasan na uli ang booth. walang kausap si kuya, walang karamay sa ginagawa. napatingin siya sa amin. ngumiti ako. ibinalik niya ang ngiti. "tapos na ang palabas, salamat sa cheering," sabi ng mga mata niya sa tatlong manonood na sumubaybay.
daanan at lagpasan siyang muli ng mga taong bagong sweldo.
--peso--


