20111101

Limampu't Siyam

Meron akong kwentong bitin:


********** ********** **********

1950's. May isang bagong-saltang lalaki sa nayon. Binata. Hindi siya taga-roon. May pinupuntahan lang daw na kaibigan, pero madalas siyang mapadpad doon. Kaya ang madalas na pagbisita niya sa nayon, bumubuo ng hinaka sa mga taga-roon na mayroon siyang "pinopormahan".

Hindi katangkaran ang lalaki, pero may hitsura. Gwapo. Kaya kung may mga naghihinala mang may pinopormahan siya, may mga umaasa ding sana sila na lang ang pinopormahan.

At totoo ngang may pinopormahan ang lalaki - isa sa mga dalaga sa nayon. Pero hindi naman umaasa ang dalaga. Kabaligtaran naman ito ng maraming kababaihan pa sa nayon - umaasa pero hindi sila ang pinopormahan. Siguro naiisip mo ang iniisip ng nakararaming iyon: "Ang palad niya...sa dami nating umaasam, siya pa na hindi ang napusuan."

At nagpakilala nga si lalaki sa kanyang napusuang dalaga: Romualdo Velasco. Kasunod ng pagpapakilalang iyon, ay ang estado na tinatawag natin sa panahong ito na "dating". Ligawan. Kahit hindi inaasam, tinanggap naman ng dalaga ang pagpupunyaging ipinapakita ng binata.

Kung iisipin, hindi nalalayo sa konsepto ng ligawan sa panahon natin. Nag-iiba lang ng paraan, pero hindi ng konsepto: magpupunyagi at magpapakitang-gilas ang lalaki upang may patunayan sa nililigawan; habang nag-hihintay naman ang babae na una, maipakita at maipadama ng lalaki ang mga gustong makita at maramdaman ng babae, at pangalawa, ng tamang panahon kung kailan maaari nang tumanggap ng kasintahan.

Ngunit kahit ganun, hindi naman masungit ang binata sa ibang dalaga. Hinihingi nila ang pangalan ng lalaki, at ibinibigay naman nito. Nakikipagkaibigan din ang lalaki sa ibang kababaihan, pero itinangi niya ang panliligaw sa dalagang unang pinagpakilalanan niya.

Nang minsang nagkausap-usap ang mga dalaga ng nayon, kabilang ang dalagang nililigawan ni Romualdo, nadako sa usapan nila ang binata. Nagtataka ang dalagitang nililigawan ng binata, kung bakit ibang pangalan ang binbanggit ng mga kasamahan niya. Hindi Romualdo Velasco ang pakilala sa kanila, kundi Reynaldo Ross.

Nagkaroon ng maraming pagtataka kung ano nga ba talaga ang pangalan ng binata - Romualdo Velasco ba o Reynaldo Ross. Nagkaroon ng maraming pagtataka kung ano nga ba talaga ang katauhan ng binata at bakit dalawang magkaibang pangalan ang ibinigay niya sa mga dalaga: Romualdo Velasco sa isa, Reynaldo Ross sa iba.


********** ********** **********

Doon na natapos ang kwento kong bitin.

Ang sweet di ba? Hindi?

Bitin? Kasi 'yun lang talaga ang kwento ko (kamot sa ulo). Hindi ko na alam ang kasunod, at hindi ko na din inalam pa. Hindi ko naman pwedeng dugtungan ang kwento. 'Pag ginawa ko 'yun, parang pineke ko ang kasaysayan.

Kasaysayan? Oo. Hindi ko ba nasabing hango sa totoong buhay ang nabasa mo? Kaya kung dadagdagan ko ang kwento, kung lalagyan ko ng ending, walang-katotohanan na ang kalalabasan. Hindi ko pwedeng idugtong ang isang hindi-siguradong-pangyayari sa isang siguradong-naganap.

Pero ganito na lang, para hindi mo sabihing walang saysay ang mga pinagsasabi ko: 1950's ang kwento, jump tayo sa 2011.


Nitong Sabado, October 29, 2011, ginanap ang ika-limampu't siyam na anibersaryo ng pagsasama ng aking lolo at lola - nina Romualdo "Badoy" Velasco, ang binata sa kwento, at Gertrudes "Tuding" Canales, ang dalagang niligawan niya.

E sino si Reynaldo Ross? Hindi siya kathang-isip. Ito ang pangalang ibingay ng binata para ipakilala ang sarili, pero hindi para ipakilala ang saloobin sa hindi niya napupusuan.

Sinadya ni Lolo Badoy iligaw ang ibang babae gamit ang ibang pangalan, para si Lola Tuding lang ang makaalam ng totoong pangalan niya.


Sinong mag-aakala na ang isang bitin na kwento ay may 59 years palang matamis na pagsasamahan sa likod nito? 23 years akong buhay, at ito ang pinakamalupit na true-to-life love story na nalalaman ko.









--peso--