20100510

My First Erection


"A couple of hours from now, history will repeat itself."
- Angel Recto, May 09, 2010 11:25pm

So habang nag-aabang sa pinadeliver na Pizza (3:30 daw dadating, 1 hour pa), tinitignan ko ang indelible ink na nakadikit sa kuko ng kanang hintuturo ko. Sa unang pagkakataon, nadampian ako ng indelible ink - patunay na botante na nga ako, na nakaboto na nga ako, na totoong bahagi na ako ng gulo. Nung elementary at high school, nalalagyan na din ng ink ang kuko ko kapag nagakakaroon ng student council election, pero ibang-iba ang indelible ink ko ngayon sa kanang hintuturo kumpara sa blue Pentel Pen ink noong mga panahong iyon.


********** ********** **********

Dati e bantay lang ako sa bahay kapag bumuboto sila nanay, tatay at kuya. Ngayon si Apol na ang bantay dahil botante na din ako. 7am kami umalis ng bahay, around 7:30 kami nakarating sa school. Lakad lang. Siyempre, ngayon ko lang nasaksihan ang ganoong eksena sa labas ng eskwelahan kung saan marami ang namumudmod ng mga "sample ballots". Madaming nag-aabot pero hindi ako kumukuha. Kabaligtaran naman ni nanay, kuha siya nang kuha. Para bang may pa-contest ang Eat Bulaga bukas para sa makapagdadala ng pinakamaraming sample ballots. :p

Madami-dami nang tao nung dumating kami. Sa 3rd floor ng isang gusali kami naka-assign. Derestso akyat, hinanap sa tamang listahan ang pangalan para malaman ang precint#, kumuha ng queue number, at tumambay muna sa isang bakanteng classroom habang nag-aabang na tawagin ang numero. Anyway, it's just another story of while-we-wait-on-this-long-boring-pointless-queue-we-talked-first-on-political-issues-and-other-gossips, kaya jump na tayo.

Bumibilis na ang pila nang biglang bumagal uli. Nasa bukana na na kami nung kwartong pagbobotohan nung napurnada pa. Yun pala, nagkaroon ng singitan sa pila namin. Pinasingit kasi ang mga senior citizens. Hindi ko alam kung kaninong desisyon, basta alam ko MALI ang desisyon nila. Kesyo senior citizen daw, o buntis , o ganun, o ganyan. Hindi sa wala akong galang, pero base sa karanasan, ang kakapiranggot na mga KONSIDERASYON ang nagpapagulo sa isang maayos na pila.

Sabi nga ni kuya, isang problema ng Pilipinas e masyado tayong MAAWAIN. Kaya nga naglagay ng pila e para umayos. Pero kung magpapasingit ka pa din, no matter what the reason is, what's the freakin' use of falling in line??? Magkaroon lang ng isang matandang nagmakaawa, sige pauunahin. Asahan mong may kabuntot yun na dalawang matanda pa. Sige pagbigyan na. Malalaman ngayon ng isang matanda sa 'di kalayuan, makiki-jive na din sa partee. Tuloy-tuloy, tuloy-tuloy. Ang kaninang maayos na pila, nakalimutan na. Kasi naging pila na ng mga senior citizens. E kahit abutin ng ala-sais ng gabi e hindi yata mauubos ang mga senior citizens e. The point there is, simple lang naman ang rule ng pagpila. Konting delay lang ang kelangan para guhuin mo ito. I hate to say this pero sa pila ng mga senior citizens na 'yun kanina, nakita kong nakakatandaan na lang talaga natin ang mga bagay-bagay na kumokontra sa kaunlaran ng bansa. 'Pag matanda na ako, sisingit din kaya ako? Maawa na kayo sa matanda o...

After a series of palitang-sigaw at banggerahang-laway ng mga senior citizens at commoners, na nakangiti lang naming pinapanood ni kuya, nakapasok din ako sa kwarto, wherein naghintay pa din kami ng mga 30 minutes bago mabigyan ng talagang balota. Medyo nagkatagalan kasi sa verification dahil limang presinto ang hinahawakan ng mga BEI, na nanggagaling sa iisang pila namin. Idagdag pa ang mga makukulit na mamamayan na bukambibig ang "bakit wala ako? pakihanap ako...andiyan lang yan!" at "kanina pa ako dito! ALAS-SAIS!". Well in fact, katarantaduhan na alas-sais pa siya nasa pila gayung 7am lang naman nagsimula ang proseso. :p

(wait...dumating na pizza. 3:10 pa lang. dat's gud!)


********** ********** **********

On TV:

Reporter: Ano-ano po ba ang mga sanhi ng pagbagal ng pila at pagkakaantala ng proseso ng botohan?
BEI Officer: Minsan yung mga sumisingit, tapos may mga makukulit na nagrereklamo. May naghahanap ng mga presinto. Tapos kasama na din diyan yung mga istorbo, tulad ng pag-iinterview sa amin ng mga media. Kaya 'yung mga tao naiipon sa pila.


(kain lang ako... =p~)


********** ********** **********

(ok game. two slices of pizza, busog na!)


On TV:

Reporter: Ano ang pakiramdam mo at nakatapos ka nang bumoto?
Celebrity: Masaya din, kasi alam mo, this is my first time to vote this year.
Tatay ko: Natural! Ito lang naman ang eleksiyon ngayong taon e! Ako nga first time ko din makaboto this year e.


********** ********** **********

Anyway, mananalo kaya ang binoto ko? Dati tumatakbo sa isip ko yun e - kung mananalo kaya ang iboboto ko. Lately, narealize ko na hindi pala ganun yun. Bakit kelangan nating pairalin sa isip kung sino ang "panalo" o "talo". Kompetisyon na ba ang paglilingkod ngayon?

Hindi naman na issue sa akin kung hindi manalo ang binoto ko. Kesyo may dayaan, o wala, i don't give a great ball of fire. Bumoto ako kasi may TIWALA ako sa napili kong botante. Bagsak man siya sa rating o wala siyang advertisement o hindi siya sikat, binoto ko siya dahil alam kong may MAGAGAWA para siya sa ikabubuti ng bansa. Ganun kasimple. At hindi ba ganun naman talaga dapat ang pamantayan sa paghalal ng kandidato? Yung KINILATIS mo at may NAPIGA ka sa kandidato? Hindi naman kailangang makipagpatayan o makipagpabonggahan ng ads e. O magpaawaan kaya o gumamit pa ng mga kamag-anakan. Hindi mo kailangan madala sa mga pakulo nila. Kelangan mo lang basahin ang iniisip nila at pakinggang ang pinagsasatsat nila. Hindi kelangang tumanggap ng pera, hindi kelangan magpapaniwala sa survey.

Isang dapat maintindihan ng isang botanteng Pilipino e kung ano ang katuturan ng pagboto nila bilang isang karapatan. Sabi ko dati, hindi naman mananalo si Kandidato A o kaya si Kandidato B. Pwes, iboboto ko na lang e itong si Kandidato C kasi siya lang ang alam kong makakatalo kay Kandidato D. Pero napag-isip kong maling kaisipan pala ang ganun. Ang mangyayari pala e para akong gagong boboto kay Kanidato C na hindi ko naman siya kilala! Para akong puppet noon. Kung hindi nga manalo si Kanidato D, ibig bang sabihin solve na ang problema? Kaya bumalik ako sa pagkikilatis kila Kandidato A at B, at sa kanila ako namili, dahil ayokong mawalan nang saysay ang karapatan kong minsan sa tatlo o anim na taon ko lang magagamit.


Ang hindi pagkapanalo ng binoto mo e hindi nangangahulugang sayang ang boto mo, dahil ang ELEKSYON ay hindi naman LOTTO. Afterall, it's not really on the winning of a candidate, but on HOW did you use your right to suffrage in aiming for the best for this country. Manindigan nawa tayo, at hindi pawang nakigaya sa survey lang.


********** ********** **********

Nung hawak ko na ang mahabang balota, direkta agad ang pagsagot. Pangulo, ikalawang pangulo, initiman ang bilog na hugis itlog na nakatapat sa pitong senador na napupusuan. Nang makita ko ang mahabang listahan ng Party Lists, nilaktawan ko ito at binaligtad agad ang papel para sa local officials. Pinili si mayor, si vice, si congressman, at mga councilors. Binalikan ang mga senador, baka may mapiga pa para makumpleto ang labindalawa, pero isa lang ang nadagdag. Walong senador lang ang binoto ko. Deretso sa PCOS, isinalang ang balota. Kaboom! Successful! 148th vote casted ako. From 7:30am, 10:15am na ako natapos. At sa PCOS machine na 'yun, 148th pa lang ako. Ang tinding hassle no?

At bakit walo lang ang senador ko? Dahil hindi baleng kulangin kesa sumobra, else mavo-void ang senatorial votes ko. Ayoko namang iboto ang mga hindi ko kilala at sa tingin ko e gaganti lang sa gobyerno.

E bakit wala akong binotong party list? Kasi hindi ko alam ang layunin nila, as a whole. Alam ko lang namumuno sila sa mga rally. E kesa iboto ko yung GAHASA ni Romeo Jalosjos?! GAHASA ba yun o KAKUSA? Ano nga ba?

Bumoto ba ako ng artista? Oo. Walang masama dun. Kitang kita naman kung sino sa mga artistang gustong makatulong talaga, at 'yung mga pumasok lang sa pulitika dahil wala na sila pera at mga projects sa showbis.

Ano ang feeling sa unang pagboto? Ganun pa din. Hindi masasabi ang pakiramdam unless lumalabas na ang mga resulta. Yung bagal ng proseso, kahit automated pa ang eleksiyon, anticipated ko na yun. Alam kong mapapabilis nito ang counting, pero sigurado naman akong hindi nila pinaghandaan ang KABUUANG proseso lalong-lalo na kung paano ia-accommodate ang mga botante. Come on, COMELEC! Less than a year to prepare? After ng vote counting, hindi na uli busy ang COMELEC. Busy lang uli sila after 3 years, for another set of preparation for the Senatorial and Local Official's Elections. Pero sa tatlong taong dadaan habang wala pang eleksiyon, ano ang gagawin ng COMELEC? Ano pa ba edi magpapatubo ng balbas si Jimenez.

Pagkatapos bumoto... saan ako nagpunta? Deretso muna ng 711, at bumili ng C2 Green for 10 pesos. Kaso hindi ako nakapag-shopping kasi isang C2 lang pala ang counted for 10 pesos. The rest, 23 na uli. Iniisip ko nga kung pupuntahan ko yung kabilang branch eh...jejeje.


********** ********** **********

Ubos na ang pizza, pero aabutin pa siguro ng ilang linggo o isang buwan bago tuluyang maalis ang indelible ink ko sa kuko ng kanang hintuturo. Bahagi na ako ng gulo, at dapat magsimula na akong magmasid at makialam.

5:11 nang hapon. 49 minutes to go and the election proper ends. Balita ko extended daw nang 1 hour. Pero ganun pa man, alam kong madami pa din ang hindi makakaboto dahil sa pinabilis na bilangan pero hindi naman pinabilis na proseso. Maraming aberya, at maraming magrereklamo. Ngayon lang sa Facebook tadtad na ng batikos ang COMELEC.

Philippine's first automated elections: saksi tayo sa pangyayaring isusulat sa libro na pang-Sibika na gagamitin ng mga grade 6 students 5 years from now.


********** ********** **********

"Firipinos very tired on their very first automatic ERECTION!" - sabi ng isang Japanese enthusiast na sumaksi sa ating unang automated election. =)



--peso--