"Please, don't wake me, no, don't shake me. Leave me where i am - i'm only sleeping"
- the beatles, 'i'm only sleeping'
hindi ko masisisi 'yung pinapanood ko kagabi. e sa gusto kong manood e. kung tutuusin nga di ko pa tapos 'yung "one missed call 2" e. kaso inaantok na ako. tutal 11:30 na nun. natulog na ako. pero bago matulog, inalarm ko muna si ultraman 5510: 3:30 am kinabukasan, yun e dahil may pasok pa ako ng 7 nang umaga.
kinabukasan, nagising naman ako nang maaga. nope, wala akong narinig na alarm mula kay ultraman. nagising ako ng 5:30, maaga para sa 7:00. 5:30 dapat umaalis na ako ng bahay pero mukhang tinatamad na akong pumasok. sira na ang mood ko.
umalis din ako ng bahay. papasok. iniwan ko ang bahay nang nakakunot ang noo ganap na 6:45 ng umaaga. 15 minutes to late. parang michael learns to pop, este rock. pero agad namang nawala yung kunot ng noo ko dahil nakasabay ko sa tricycle yung cute naming kapitbahay na hindi ko alam ang pangalan. nakita lang yung libro niya na may nakasulat na "UST: College of Commerce". parang gusto ko na ulit pumasok.
paglabas ko ng highway, pagtawid, as usual maraming FX ang nag-aabang ng pasahero. nga lang, puro Sm-MRT. walang BLUM. pero kung meron man, trip ko mag-dyip dahil sabado naman at walang trapik.
nilagpasan ko ang isang marron na FX. CUBAO-SM-MRT. paglagpas ko, biglang may tumawag sa pangalan ko. si migs pala. sakay pala siya nung nabanggit na maroon na FX na biyaheng CUBAO-SM-MRT. tinawag niya ako at niyayang sumakay. sakay naman ako. sabi magku-cubao daw siya. LRT. ok. LRT ang ruta ko.
**********
peso: magkano pa-cubao?
migs: 25.
peso: bayad ka na?
migs: oo.
*peso nag bayad ng 100*
peso: e sa LRT magkano? hanggang legarda?
migs: 13.
peso: 13? e di 11 lang?
migs: bakit?
peso: estudyante eh.
**********
hindi pa rin ako marunong umorder ng ticket sa LRT o MRT man hanggang ngayon, kahit na mga dalawampung beses na akong sumasakay. binigyan ko na lang si migs ng kinse, at siya na pinabili ko ng ticket. stored value naman ang gamit niya.
kahit sabado pala tayuan sa LRT. three stations away kasi ang cubao mula sa unang istasyon. lalo sa ganung oras, hobby na kasi ng mga estudyanteng gaya namin ang magpa-late. pero trip ko tumayo sa LRT. kahit hindi ka nakahawak makakabalanse ka dahil sa bagal ng takbo. pero mas trip ko pa rin yung mga subsob moments ko sa MRT pag nakatayo.
maganda ang view sa manila. di tulad ng pagsakay ng tren sa japan kung saan makikita mo ang mount fuji, ang makikita mong view sa pagsakay ng tren sa manila ay mga gulong sa bubungan ng squatter's area, mga batang hubong umiiyak, at mga ibong mala-uwak dahil sa itim ng polusyon. maganda ang view sa manila. alam mo na yun di ba?
**********
"I was alone, i took a ride, I didn't know what i would find there.
Another road where maybe i could see another kind of mind there"
- the beatles 'got to get you into my life'
wala pa yatang bente minutos nasa legarda na kami. magmimini-stop daw muna si migs sa may gastambide habang hinihintay ang kaklase niya, at habang nagpapa-late na rin. sabi ko sasama muna ako sa kanya, tatambay muna ako, dahil base sa txt ng kaklase ko, may quiz daw sa 1st subject namin. next subject na lang papasukan ko dahil ayoko pumasok nang late kahit gustung-gusto kong nagpapa-late tuwing alam kong male-late na ako. late-cheng buhay.
nasa ministop na kami, nagtxt uli yung kaklase ko. wala na daw quiz. sabi ko kay migs papasok na lang ako. mula sa ministop, itinuro na lang niya yung daang tatahakin ko sa napipintong paglalakbay ko sa mga kalye ng maynila papunta sa building naming hugis-hotel.
"deretso lang. pagdating mo sa dulo ng gastam, kaliwa konti, makikita mo na 'yung p.campa", sabi ni migs. nagpaalam na ako at nagsimulang maglakad.
aba pucha, mahaba rin pala ang gastambide! pero nung narating ko yung dulo, pagkakaliwa, gumaan ang pakiramdam ko dahil nakita ko na rin sa wakas ang p.campa.
sa loob-loob ko, tutal heto na ang p.campa, malapit na to sa FEU, magliliwaliw muna ako! maghahanap muna ako ng thrill, tutal late naman na ako. lulubusin ko na ang paglalakbay.
mula sa p.campa, kumaliwa pa ako. noon ko lang nabasa ang mga nakitang kalye. delos santos. dalupan. punta akong dalupan. taas-noo. hawak ang pride na malapit na 'to sa school. maya-maya lang, makikita ko na siguro ang lepanto.
kaliwa, kanan, kaliwa, kaliwa, dalupan, delos santos, nawawalang lepanto, kaliwa pa, lumalayong p.campa, naliligaw na landas. nasaan ang FEU? ang UE? aba'y pucha, ayoko na lang bumalik ng daan dahil mahahalata ng mga taong nanghuhula lang ako ng daraanan. baka mapagdiskitahan pa ako pag nalamang hindi ako taga-doon.
"Please, don't spoil my day, I'M MILES AWAY. And after all i'm only sleeping"
- the beatles, 'i'm only sleeping'
sana nga sleeping lang ako. kaso hindi e. gising na gising ako. nakakakita ako ng mga estudyanteng nakapula, NSTP siguro, ng anong school? nakakakita ako ng mga jeep na hindi ko alam kung saang impyerno bibiyahe o kung sinong demonyo ang isasakay. nakakita ako ng mga pedicab boys na alas-otso ng umaga tumataya ng pustahan sa tong-its. napadaan din ako sa isang lupon ng hiphop na nagtatawanan (pinakakinatakutan ko sa lahat). napadaan din ako sa isang malapit-nang-maging-squatter na structure na mga bahay. dumaan ako sa kalyeng may mga batang nagkikiskis ng watusi sa tae ng aso. marami pang nadaanan - mga aleng naglalaba, mga mamang hubad, mga pulubing namumulubi. may nakabangga pa nga akong girlaloo e.
kanan pa, kaliwa, walang balikan. hawak ang pride na malapit na ang eskwelahang kanina lang e ayaw pasukan, pero ngayon e gusto nang yakapin, h'wag lang magkatotoo ang mga masasamang iniisip na posibleng mangyari habang nilalakad ang malungkot na bahagi ng maynila.
maya maya, sa may kalayuan, may nakita na akong isang daang nakalutang sa langit. nilapitan ko 'yun. hindi ako nagkakamali. nakalutang ang daanan sa langit. lapit pa. riles pala ng LRT yun. sabay tingin sa streetsign - legarda.
sa paglalakbay kong 'yun, sa legarda ako nagsimula, iikot ako't sa legarda din pala babagsak. walang no choice. pihit pakanan, papuntang recto. nang matapat ako sa UE, isa lang ang naisip ko: ang kaklase kong si ben na kamakailan lang e naholdap sa tapat mismo ng UE recto, natangay ang n70. buti naman walang nanutok sa akin.
pihit pakanan, papuntang lepanto. ito yung kalyeng kanina ko pa inaasam na maapakan at malakaran, pero pinagkaitan ako ng mas maagang pagkakataon. sa wakas, malapit na ako. pihit pakaliwa, at natanaw ko na ang building naming hugis-hotel.
papasok na ako.
**********
hindi muna ako pumasok ng room. hihintayin ko na lang matapos ang subject, kahit walang quiz. ayokong pumasok ng late. tumambay muna uli ako sa may lobby ng 6th floor, nagbabasa ng libro. naabutan ako doon ng isang kaibigan, at ikinuwento ko sa kanya lahat ng nadaanan kong paglalakbay nung araw na yun.
peso: naghahanap kasi ako ng thrill e.
kuya rye: thrill? o trip? makikita mo na lang ang bangkay mo dun, kinikiskisan ng watusi ng mga bata.
alam kong katangahan ang ginawa ko. ano nga ba nasa isip ko nung makita yung p.campa at hindi pa ako doon tumuloy? naisip ko kasing kapag sinabing 'p.campa', andiyan na yung overpass pa-morayta. hindi ko inisip na isang mahabang kalye nga pala ang p.campa.
"She said I know what it's like to be dead"
- the beatles, 'she said, she said'
bakit ko pa kasi hindi sinunod 'yung payo ni migs?
tsaka bakit ba kasi hindi ko narinig ang kiriring ni ultraman?
o bakit ko pa kasi pinanood kagabi 'yung 'one missed call 2'?
--peso--


